Enter song title:

Friday, August 17, 2007

"Bahay kubo kahit munti, ang halaman doon ay sari-sari..." Marahil ay inawit mo ang mga titik sa loob ng panipi sa halip na basahin ito. Ganyan nga ang wikang Filipino. Ito ay musika na kumukuliling at gumigising sa nahihimbing na kamalayan ng isang lahi. Sa pitong libo isaang daan at mahigit na isla sa ating bansa, tayo ay nabiyayaan ng isang daan at mahigit na wika. Kung ating iisipin, hindi lamang sa likas na yaman mayaman ang ating bansa kungdi maging sa mga katutubong lenggwahe rin. Narining mo na ba ang "Manang Biday" ng mga Ilokano? E ang "Ano Daw Idtong Sa Gogon" ng mga Bicolano? Aba, sigurado akong nadala kayo ng "Atin Cu Pung Singsing" ng mga Pampango. Iba-iba man ang dayalekto, nagkakaisa naman sa pagiging maka-Pilipino.

Marahil kayo ay nagtataka kung bakit ko iniuugnay ang ating wika sa musika. Sa panahon ngayon kung saan Ingles ang pangunahing wika na ginagamit sa buong mundo, hindi kataka-taka na mas piliin ng isang Pilipino na pagsunugan ng kilay ang wikang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Minsan akong kumain sa isang "fast food chain" kasama ang aking kaibigan. Sa aming likuran ay may grupo ng mag-aaral na nagkukwentuhan. "Have you heard about the concert of APO Hiking Society this Saturday? Man, I'm so eager to watch that concert." Nagtataka ako kung bakit nag-Iingles ang mga estudyante samantalang sila ay nasa Pilipinas. Iniisip ko kung sila ba ay nagyayababang sapagkat matatas silang magsalita ng wikang banyaga o baka naman hindi lang talaga sila sanay sa ating wika. Kung titignan naman ang panlabas nilang kaanyuan, hindi sila nalalayo sa isang tunay na Pilipino. Ngunit ako ay nagulat sapagkat sa halip na pag-usapan ang mga bagay tungkol sa Kanluran ay mas pinili pa nilang talakayin ang tungkol sa nalalapit na pagtatanghal ng APO Hiking Society. Oo, isang banda na binubuo ng mga Pilipino na nagbibigay-aliw sa pamamagitan ng pag-awit ng mga kanta gamit ang sarili nating wika.

Ganyan nga ang nais kong ipahiwatig sa unahan pa lamang ng sulating ito. Makapangyarihan ang wikang Filipino. Labis akong nagagalak sapagkat sa kasalukuyan ay mas nanaisin ng isang Kabataang Pilipino na tangkilikin ang ating musika kaysa sa musikang banyaga. Ang pagsulpot ng iba't-ibang banda na ang iba pa nga ay nagbigay karangalan sa ating bansa ay siyang patunay ng ating pagpapahalaga sa sarili nating musika at wika. Hindi ba't sa tuwing makakarinig tayo ng orihinal na musikang Filipino ay tila may kumukurot sa ating puso at kung minsan pa nga ay nagbibigay ito ng pag-asa sa bawat isa sa atin? Ganyan nga ang wikang Filipino. Pumapaindayog sa diwa ng sinumang makakarinig nito, tunay na maipagmamalaki saan mang sulok ng mundo.

PinoyBlogoSphere.com | Pinoy Bloggers Society (PBS)
presents
Wika2007 Blog Writing Contest
Theme: Maraming Wika, Matatag na Bansa

Sponsored by:
Ang Tinig ng Bagong Salinlahi
Sumali na sa DigitalFilipino.com Club
Sheero Media Solutions - Web Design and Development
Yehey.com - Pinoy to p're
The Manila Bulletin Online
WikiPilipinas: The free ‘n hip Philippine Encyclopedia


Enter your email address: